Blog

Kilómetros de distancia

“Lukban!,Lukban!” dinig ko sa di kalayuan

tinig na bumubuo sa letra sa aking ngalan

kakaibang takot nadama ng aking katawan

uminit lahat! simula ulo hanggang talampakan.

 

Si Bertha delos Santos , na aki’y di makilanlan

ang babaing aking nadinig sa di kalayuan

paghingi ng tulong na pawang nahihirapan

hanggang ngayon, ako pa ri’y nahihintakutan.

 

Nakapanghihilakbot, kanyang mga tinig

araw-araw,gabi-gabi kong naririnig

tila sa akin ay di mawaring may umiibig

isang nilalang na nagmula sa kabilang daigdig.

 

Si Bertha ay matagal na raw na namayapa

nilulan na ng panahon at nilimot na ng madla

dating nakaaangat na ngayo’y bumaba

dahil sa ala-alang sa kanya’y hindi mawala.

 

Pinagsamantalahan , iniwan , niloko’t sinaktan

ni Lukban, ang nobyo niyang sukaban

Siya’y pinagtaksilan na walang kaparam

umiyak na puso niya akin namang pinatahan.

 

Doon ako natutong umibig at magmahal

ng taong malayo sa kinaroroonan

milya ang bibilangin upang matagpuan

si Bertha na hanggang sa panaginip ko na lang.

Selda

 

 

I

Sa isang madilim na selda ko siya nakita

Inang may kargang sanggol na kayganda

Natanaw ko rin katatagan sa kanyang mga mata

Waring lumalaban, hanggang sa huling hininga.

 

II

Batid Kong siya ay may kasalanang nagawa

Ng sa ganoong lugar, siya ay mapunta

Ngunit batid ko ring magulo lamang isip n’ya

At kapit sa patalim ang pinairal n’yang lubha

 

III

Nabakas ko ang mga markang tiyak kong nagpaluha

Nagpalumbay, nagpasakit sa mapagmahal na ina

Na siyang naging dahilan sa paggawa ng masama

At ng sa pagkapiit sa madumi’t lumang selda.

 

IV

At sa mga sumunod pang mga eksena

Mga mata ko’y akin na lamang isinara

Ngunit ganoon ma’y nadinig ng aking tainga

Ang mga katagang nabuo sa labi nya’t dila.

 

V

“Mahal kong kaibigan, kapatid at kasama

Sa iyo ko na siya ay ipapaubaya

Pakiusap ko lang sana ay iyong ipadama

Pagmamahal na dapat ako ang gumawa.”